Showing posts with label Mga Walang Kwentang Kwento. Show all posts
Showing posts with label Mga Walang Kwentang Kwento. Show all posts

Monday, July 2, 2012

Versatile Blogger Award (Part 2 The Award's Night)

Google
Oh di ba umo Oscar Award lang ang piktyur?

Binigyan ako ng award nung isang araw ni Medem Balut ng Balut Manila na Versatile Blogger Award. English ang award kaya di ko maipapaliwanag kung ano ang ibig sabihin nito. hehe. Pero check mo na lang DITO ang Part 1 ng post na'to kung gusto mong malaman ang buong istorya.

Versatile Blogger Award's 3rd Rule: 

Give the award to 15 other bloggers you love and let them know you gave them this award.

Di ba english ulet? Pero kinaya naman ng understanding ko kaya ito na't ipapasa ko na ang corona ng  mga babaylan sa kagubatan!
  1. T.R Aurelius ng Theo's Casanova
  2. Marvin De Gracia ng Just my two cents *edited: De Gracia pala hindi De Garcia :)*
  3. Jessica Lopez ng Pagguhit ng mga Salita
  4. Orange Pulps ng A Dose of Orange Ink
  5. Jela ng Seeker of Perfection
  6. tadong daniel ng latak ng utak
  7. rchardjcob ng just like you. only better
Ayun na! Ito na nga ba ang sinasabi ko. Mahina talaga ko sa enumeration. Pasensiya na at hindi ko mabubuo ang labing-limang taong dapat pagpasahan ng award na ito. Pito lang kaya ng powers ko. May mga naiisip akong bigyan ng award pero bukod sa meron na sila eh nahihiya ako dahil mga batikan na sila sa mundo ng blogging at sino ba naman ako para bigyan sila ng award? Ako na isang hamak lamang na bagito, bagohan, dugyot, putik, kuyukot, tutuli at lamang lupa! :)

Kaya Lucky 7 na lang. Ipagpatawad mo Madam Balut at sa kung sino man ang nagpasimula o gumawa ng award na ito.

Sa mga nabigyan/na-tag naman ng award, hindi man ako palaging nag-cocomment sa mga blog niyo palagi ko naman itong binabasa tuwing lumalabas ang inyong entry sa aking Reading List. Shy type lang talaga ko.


PEACE!!

Sunday, July 1, 2012

Versatile Blogger Award


Hindi ko talaga alam kung papano ko uumpisahan ang entry na ito. Hindi naman kasi ako sanay nabibigyan ng award. Huling award ko ata eh nung Grade 6 pa ko "Most Cheerful" pa. Puta lang right? Pwede namang Most Honest, Most Generous, Most Kind o kahit ano pang Most-Most diyan bakit Cheerful pa!? Kill me now! Charing!

Anyway, nabigyan ako nung isang araw ng award na Versatile Blogger Award galing sa isang magaling na blogger na si Balut ng BALUT MANILA. May tatlong rules daw ang award na itew. Una, ang mabibigyan daw ng award na ito ay magkaka pigsa sa pwet at tumor sa mukha. Joke! Seryoso, ito yung mga rules:
  1. Thank the blogger who gave you this award.  Don’t forget to link his/her blog.
  2. Post seven random things about you.
  3. Give the award to 15 other bloggers you love and let them know you gave them this award.
Kaya umpisahan na natin. Lezgereron! :)

Pasasalamat:

Dear Balut,

Una sa lahat, ano po ba talaga ang pangalan niyo maam? Balut lang kasi ang nakalagay sa blog niyo na aking sinusundan. Nakiki Balut na lang din tuloy ako. Pumi-feeling close. Hehe. Salamat nga pala at isa ako sa mga  napili niyo para bigyan ng award. Pero sana pinera niyo na lang kailangan ko na kasi talaga. Joke! Isang malaking karangalan ang mabigyan ng isang award lalo na sa isang katulad kong hindi naman talaga marunong magsulat. Mag adik pwede pa. Hehe. Biro lang ulit. Isa po ako sa mga tagahanga ninyo. Hindi man ako palaging nag co-cocomment, binabasa ko naman ang mga entry na inyong ginagawa. Hindi lang ang mga sa sulatin sa BALUT MANILA kundi pati na rin sa iba niyo pang mga blogs. Maraming salamat po ulit madam. 

PS:
Good luck sa pagtakbo sa darating na 36th Milo Marathon. Sana manalo po kayo. Hindi na ko makapaghintay na ipost mo ang resulta. :)

Pitong Bagay tungkol sa akin:

Mahirap to hindi ko alam kung magsisinungaling ba ko o totoo ang mga sasabihin ko. :)
  1. Mahilig akong kumain. Hindi lang halata kasi kahit anong gawin kong kain nahihirapan pa rin akong magdagdag ng timbang.
  2. Ang lakas ng imagination ko. May mga pagkakataong kahit may kausap ko bigla na lang lilipad ang isip ko at mag i-imagine ng kung anong anong shit.
  3. Wala akong kinahiligang sports. Ay meron pala! Surfing and Gulf. Internet Suring tska mag gulf-gulf-gulf ng Redhorse at Emperador Light.
  4. Ang dami kong pangarap at gusto gawin sa buhay. Minsan hindi ko na alam kung pano uumpisahan at kung matutupad pa ba ang mga ito. Pero positive lang. Alam kong nandiyan si God para tulungan ako.
  5. Ang hirap ng Enumeration kembot na itew! Suntukan na lang tayo! :) Mahilig akong manood ng movie. Nahilig ako nung nasa Qatar pa ako. Naka 2-3 movies ako sa isang araw. Dalawa pag nasa trabaho gamit ang ipod, at isa bago matulog gamit naman ang laptop. Lugaw lang kasi ang trabaho ko nun sobrang petiks. Pero ngayon isa na lang sa isang araw. Mabuhay PirateBay! 
  6. Minsan sa panahon ng aking kabataan, pinagpantasyahan kong maging girlfriend ang isa sa mga miyembro ng Sexbomb Girls ng Eat Bulaga. Hindi lang pala isa minsan iniisip ko silang lahat magiging syoting ko balang araw. lol. Natatawa ko pag naiisip ko mga pinag gagawa ko nun. Ayoko na ikwento. Nahihiya meeee!
  7. Ayoko ng Math. Hindi pala, bobita ako sa Math! Naalala ko nung nag aaaral ako simula Grade School hanggang College pag Math na ang subject o kahit na anong subject na may numbers, pakiramdam ko The End of the World na.
Ipasa ang Award

Itututuloy ko na lang po sa sususunod na entry ang pagpasa ng award na ito. Magkikita pa kami gelpren eh, magsisimba kami mamaya. :)

Wednesday, June 27, 2012

Nagmamaganda

Google
Ok mabilis lang to. Sinamahan ko kahapon si gelpre para bumili ng sapatos para sa kanyang trabaho. Alas Dos ng hapon ang labas niya so hinintay ko pa siya at nagkita kami bandang Alas Tres na. Sumakay kami ng Jeep.   Pagkasakay sa jeep walang masyadong pasahero. Isang Ate at dalawang lovers lang. Umupo kami ni gelpren sa bandang dulo ng Jeep.


Hindi pa nakakalayo ang Jeep ng huminto ulit ito. May sumakay. Isang babae at isang lalaki. Walang duda magkasintahan sila. Umupo sila sa tapat namin. May itsura ang lalaki, may kataasan, maputi, gwapo. Ang babae naman, naka lipstick ng pink. Yun na yun basta naka lipstick siya.


Hindi naman talaga ko mahilig magmasid ng mga babae na may bowa na. Pero itong si ate iba. Ang lakas ng arrived! Pano ba naman bunganga lang niya ang naririrnig sa Jeep. To think na ang lakas na ng tunog ng tambutso ng Jeep ni Manong. Sa bawat pagdaan ng sinasakyan naming Jeep sa mga establishments along the Hi-Way, may comment siya. Na kesyo "Diyan ako nagpa SALOON last month" "Ay! Gusto ko magpa Spa diyan minsan"  "Diyan malapit nakatira si Camille yung freind ko, remember?" At nilalabas  niya ang kanyang 4th Gen ipod touch, kausap ang jowa niya na panay naman ang ayos sa kanyang buhok.


Napataas ang naka curl kong kilay, para tuloy gusto kong hugutin sa aking bag ang aking Ipad3, Samsung S3, Iphone 4s at dawalang Mac Book Pro with Retina Display! Pero hindi na. Dahil wala naman akong ganun. Hehe.


Dahil para siyang binabayaran para magsalita, nakatingin na kanya si Ate, yung magjowa sa harapan at kaming dalawang magjowa rin. May mga pagkakataon ngang nagkakatinginan kami ni Ate na unang pasahero at napapangiti. Si gelpren naman pag tinitignan ko at nakikita kong nakatitig siya dun sa babaing naka lipstick, alam kong isa lang nasa isip naming dalawa. Ang arte-arte niya!


Lumiko ang Jeep para magpa gas. Habang nagpapagas ang sinasakyan namin, biglang nagsalita ang bowa ng babaing naka lipstick.


"Ang oily ng mukha ko."


"Sige i will put powder" Sagot ng babae sabay labas ng pulbo sa bag.


Akma ng lalagyan ng babae ng pulbo ang bowa niya ng nagsalita ang lalaki ng: "Mamaya na lang, baka lumipad lang yan."


Nahiya ata.


"You waste my effort! You always do that! I hate you!"


Putangina! Parang gusto kong tumambling bigla! Englisera? Soyal? Sa limousine nakasakay? Kaloka.


Sasabihin ko sana "Te, baka ang ibig mong sabihin eh You just wasted my effort! Your always doing that! I hate you!" Tama ba ang grammar ko? Correct me if your right. lels.


Umusad na ang Jeep. Pagdating sa isang kanto bumaba na sila at sumakay sa isang trisikel



Pag andar ng Jeep, nagawi ang tingin ko sa inuupuan  ng mag jowa. At nakita kong basang basa ang upuan kung saan umupo ang babaing naka lipstick. Kitang kitang nakabakat ang hita ng babae. Naka shorts kasi siya ng maikli at walang duda kung ano yun. Pawis! Isang kutsarang pawis!

Thursday, June 21, 2012

A Father's Day Post

Oo alam ko June 21 na pero pang Fathers Day pa rin ang entry na ito. Naging busy kasi ako nitong mga nakaraang araw. Abala ako sa pagiging butihing nobyo, paghahanap ng trabaho at paglalamyerda. Kaya ako na ang maraming ginagawa. Huli man, nais ko pa rin ihabol ang post na ito para sa taong walang sawang nagmamahal at nag alaga sakin mula pagkabata hanggang ngayon. Para sayo to erpat!

Google
Dear Pudra,

Nung nakaraang linggo, hinatid mo ako sa sakayan ng bus. Kailangan ko na naman kasing lumayo sa inyo ni Mama para humanap ulit ng trabaho. Alam mo naman ubos na bread na dala ko kakapainom sa tropa. Habang nasa biyahe papunta sa Terminal, napagmasdan kita. Matanda ka na nga. Nakita kong unti unti ng kumukulubot ang balat mo. Dati maganda pa ang katawan mo pero ngayon nangayayat ka na. Sabi mo sakin noon kamukha mo si Edu Manzano at napapaniwala mo pa ako pero ngayon, si Max Albarado na ang nakikita ko sayo pag tinitignan kita. Alam ko rin marami na ring masakit sa katawan mo. Yung balikat mo na lagi mo iniinda at yang likod at sikmura mo na sinasabi mong sumasasakit. Kung may magagawa lang sana ako para mawala agad yang mga dinadaing mo ginawa ko na. Ayokong nakikita kang naghihirap sa kirot, di baleng ako na wag lang ikaw, huwag lang kayo nila Mama at Mommy.

Natatandaaan mo pa ba nung bata ako? Nung mga panahong kailangan mong lumayo samin ni Mama para magtrabaho sa Baguio? Naalala ko pa noon tuwing aalis ka, kailangan patulugin muna pa nila ako para di ako umiyak dahil gusto kong sumama sayo. Sabi pa sakin ni pinsan bago ka daw umalis habang natutulog ang cute na batang ako, maluha luha ka pa daw umaaalis. Totoo ba yun? Baguio lang yun Papa pero feeling mo ata sa abroad ka pupunta. Pero seryoso, naiiyak ako nung sinabi sa akin yun.

Alam ko dati feeling niyo ni Mama nung nasa elementary pa ko, ikinakahiya ko kayo. Pero hindi totoo yun. Nahihiya lang ako nun sa mga classmates ko. Kayo ba naman kasi, nasa Grade 4 na ko hatid-sundo niyo pa ako sa school. Hindi lang yun, kayo pa nagdadala ng baon ko tuwing recess. Tapos pag uwian na, gusto mo kaw pa magbibitbit ng bag ko. Tinutukso kasi ako ng mga ka eskwela ko eh, Baby Damulag daw ako. Pero ngayon ko narealize ang lahat. Ginawa niyo lang yun dahil mahal niyo ko. Ayaw niyo akong masaktan gusto niyo lang na maging safe ako at ayaw niyo akong mahirapan.

Nung college naman ako, di pa rin nawala ang pag aalaga niyo sakin. Tuwing bakasyon at uuwi ako sa bahay ng nakainom, ikaw pa magbubukas sa akin ng pinto at ipaghahain mo pa ko o tatanongin kung nakakakain na ba ako. Kahit hanggang ngayon na nagka edad na ko ginagawa mo pa rin yun. Nahihiya tuloy ako sa sarili ko at sayo kasi di ka naman umiinom o naninigarilyo.  Salamat Papa.

Hindi ko man sinasabi sa iyo ng madalas o sa text ko lang sinsabi nung nasa Qatar pa ko, gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita. Hinding hindi ko makakalimutan ang lahat pagmamahal, pag aalaga at lahat ng sakripisyong ginawa mo para sa akin. Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya maibalik ko lang ang lahat ng yun. Hindi man ngayon, dadating ang panahon na mabibigayan ko kayo ni Mama ng magandang buhay. Yung tipong pag aaralan mo maglaro ng Majong kasi wala ka ng ginagawa. Ganun. Promise ko yan. Maraming maraming salamat po ulit sa lahat. Mahal na mahal ko po kayo ni Mama.

Mawalan man ako ngayon at ipanganak ulit after 5 mins, ikaw ang gusto kong maging tunay na Ama.

Ang iyong lasenggong anak,
          Richie

Wednesday, June 13, 2012

Apartment


Ika labing-isa ng Hunyo taong Dalawang libo’t labing-dalawa, natupad din ang isa sa mga goal ko. Nakahanap na rin ako ng isang maliit na apartment. Hindi man ito kalakihan o glamorosa tulad ng mga naglalakihang condominium sa Makati ay masaya na rin ako.

Maliit man ay sa palagay ko safe naman ako dito. Basta ang importante may kama at banyo ok na ko. Di naman ako maarte. Mababait pa landlord ko. Isa pa walking distance lang sa ESEM kaya kung gusto ko magmall ay lalakarin ko na lang.

Kapitbahay ko pala dito ang pinsan ko. Yung napangasawa kasi niya anak ng may ari kaya ito magkatabi lang kami ng bahay. Isanama ko rin ang isa ko pang pinsan na wala pa rin trabaho tulad ko para may kasama ko at di maburyo mag isa.

Magastos man mamuhay ng mag isa, ay pipilitin kong kayanin. Maganda rin ito para matuto akong magtipid, lagi na lang kasi akong napapagalitan ni gelpren ang gastos ko daw. Gosh! Isa pa, gusto ko kasing maging independent ulit. Mahirap din kasi minsan pag nasa bahay ako bini baby ako ni Mudrax-2 feeling niya ata PBB TEEN pa rin ako kahit bente kwatro anyos na ko.

O siya at bibili pa ko ng mga konting gamit para sa aking bahay bahayan.

Ito pala ang aking munting tahanan:

Google

Hehe. Ako na ang meyembro ng First Family.

Friday, June 1, 2012

Biyaheng Pinas

Sa wakas nakapag blog din! Naputol na kasi ang connection namin dito sa bahay. Pinabayaan ng mga frog kong kapamilya. Kaya ito nakikihiram na lang muna ng USB Broadband ng Globe sa kapitbahay. Ang hina nga eh. Nakuha ng pagpawisan ng kili kili ko di pa tapos magload ang isang page. Kalowka! Mahina ata reception dito samin. Anyway, di naman tungkol sa Broaband review ang entry na to.

Tungkol ito sa masaya, nakaka imbyerna at nakakapagod na byahe ko pauwi sa ating bansang pinakamamahal ang Mainland China! tsarot! siyempre Pilipinas.

Bandang 9:00 pm gora na ako sa Airport sakay ng company mini bus namin. Mini talaga? Maaga. Kasi yun ang free time ng bus namin. Kaya kahit na 3:45 pa ng madaling araw ang flight, 10:00 pm nasa airport na ko. Keri na kesa kumuha pa ko ng taxi. Wala na akong pera pambayad. So ayun pagdating sa airport. Pacute ng konti, yosi-yosi, kape-kape, ihi-ihi tska na ko nag check-in bandang 12:00 ng madaling araw.

Ilang araw ko na rin pinuproblema ang mga bagahe ko. Alam ko kasi na sobra sa 30 kilos ang mga buhanging dala ko na nilagay ko sa bag at karton. Kaya paglagay ko ng isang maleta at isang karton sa counter para kilohin, ayun at sobra nga ng anim na kilos! At sinisingil ako ng 720 Qr (8,000 Php)  para sa sobrang bigat ng bagahe. Dahil sa kakuripotan ko, at ayoko na gumastos sabi ko sa manong counter:

"Wait sir, I dont wanna pay!" (slang? wanna talaga?)
"I will just reduce the weight"

Edi ayun binaba ang maleta at karton. Pumwesto sa tabi, Bukas maleta, Inalis ang mga butas na brief, tshirts, shorts at pantalon tapos pinilit isiniksik sa Hand Carry Bag. Di na daw kasi kinikilo ung hand carry kaya ayun naka umbok much ung bagpack at laptop bag ko.


Pagbalik ko kay manong counter, ipinakilo ko agad at puta lang sobra pa rin ng 3 kilo! Puro medyas at panyo na nga lang ang laman ng maleta pero sobra pa rin?! Hanggang sa mapagtanto ko na ang mabigat talaga ay ang mismong maleta. Ibababa ko na sana ang maleta ko ulit pero may lumapit saking Indian. Bumulong siya sakin at sabi:


"Pare, leave it. Just give 100 Qr No problem"


Dahil sa desperado na ko, at basang basa na rin ang kili kili ko kaka buhat ng mga lecheng bagahe, pumayag na rin ako. Isang kindat lang ni manong fixer sa counter pina diretso na agad yung mga bagahe ko at bigay na siya ng ticket sakin. Sabay pasimple na rin ako ng abot ng 100 Qr kay manong fixer.


Oh di ba? Nakatipid pa ko. Buti na lang may mga ganong padulas kembot din pala sa ibang bansa. Parang Pilipinas lang!


So ayun na pagkatapos ng ilang minutong  pre departure procedures naka check in na ko. Yey!


Bandang 3:00 am nakasakay na kami ng eroplano. Connecting Flight kasi ako. Tipid much ang kompanya namin kaya may stop over pa ko sa Dubai.


Ito yung mga kuha ng byahe ko papuntang Dubai. Pagpa sensyahan niyo na at cellphone lang gamit ko.






Breakfast ng Economy

Dubai from the top


















Around 5:00 ng umaga Dubai Time nasa Dubai na ko. At ang una kong gusting gawin? Manigarilyo! Kaya naghanap agad ako ng mapagtatanongan kung san ang Smoking Area ng paliparan na iyon. Sabi ng unang napagtanongan ko, diretso lang sabay turo sa direction. Ako naman sunod sa sinabi ni kuya. Siguro mga 3 hours 5 minutes na ko naglalakad wala pa rin akong makitang Smoking Area.

After ilang metrong 60 kilometers ng paglalakad, nakita ko rin. Nakita ko rin ang saradong Smoking Area! Amputa under renovation! smoking area lang? Anong ilalagay nila dun swimming pool?! Pagkatapos kong maglakad ng ganun kahaba sarado pala?! Futa Gusto kong sumigaw ng WORST AIRPORT EVErrrR! Arte lang. hehe.

Hindi pwede ito sabi ko sa sarili ko. Kaya nagtanong ulit ako. Sabi ng miss na napagtanongan ko nasa baba na daw. Kaya takbo ko sa escalator. Pagbaba ko, mga 3 mins ulit akong naglalakad ng diresto pero di ko pa rin talaga makita ang punyetang Smoking Area! So I said. Ahhh Fck it! Sa Pilipinas na lang ako maninigarilyo. Hehe. Kaya napagpasyahan ko na lang bumalik sa Waiting Area at mag sa sightseeing na lang ako ng mga magagandang Pinay OFW na pauwi na rin.

Di ko na babanggitin na ang baaaaagaaaaalll ng wifi sa Dubai International Airport baka kasi sa pwesto ko lang yun or marami lang talagang naka connect ng mga oras na yun.

Wala naman masyadong nangyari pagsakay ko ng Emirates papunta ng Pilipinas. May katabi rin kasi akong seaman at dalawang mag asawang galing pa ng New York kaya nahihiya me mag picture ng loob ng plane baka isipin pa nila first time ko. Kaya super behave na lang ang peg ko.

Tinitigan ko na lang lahat ng body parts ng mga Flight Stewardess, nanood ng movies, nakipagkwentohan sa katabi, kumain ng  lunch at dinner, kumain ng cup noodles, nagmeryenda at nagkape. Nanghingi din pala ko ng dalawang can ng beer at isang maliit ng bote ng scotch tsaka ko jumebs. Oh di ba behave pa ko niyan.

Pagbaba ng sinasakyan kong eroplano sa NAIA, siyempre bumaba na rin ako ano pa bang gagawin ko dun eh sawang sawa na kong umupo dahil sa 8 oras din na biyahe from Dubai to Philippines.

Paglabas ko ng plane, jumingle na muna ko napapa wiwi me sa happiness and excitement. Napakasaya ko dahil pagkatapos ng dalawang taong paninilhan sa bansa ng langis at buhangin, sa wakas nasa bansang sinilangan na ko. Parang gusto kong ang halikan ng torid ang sahig ng NAIA sa tuwa. Ganun.

Pagkatapos kong ipagpag, naghugas na ko ng kamay at dumiretso na ko sa Immigration. Kung Immigration nga ang tawag dun di ko alam, basta may counter din.

Biglang nawala ang saya ko ng nakita ko ang haba ng pila! Punyeta lang parang nakasale ang SM sa dami ng nakapila para iprocess ang mga passport namin. Siguro 30 minutes din akong nakipila. Sa dinami dami ng computers at bakanteng counter bakit apat lang yata ang bukas at nagtatatak ng mga Passport ng mga OFW at mga foreigners?! Imbyerna much! Di ko kasi nabunot ang aking 3210i kaya di ko na piktyuran eh. Kumalma na lang ako dahil ayokong maubos ang mga natitira ko pang good vibes sa katawang lupa ko.

Pagkatapos ng mabagal na proseso at pakikipagbalyan sa NAIA, lumabas na ko at nakita ko na rin ang aking dawalawang 25 kataong sundo.

Kamustahan ng konti tapos bumeyahe na kami pauwi ng Pangasinan.

Friday, May 18, 2012

Koya Wag Po.. (a true story)

Tatlong araw pa lang ako noon dito sa Qatar. Dahil sa bagohan at ito ang unang karanasan ko sa pangingibang bansa, sabik ako makipagkwentohan sa mga nauna o mga batikan na sa pangingibang bansa para magtanong at makipagkwentohan ng mga karanasan nila dito sa Qatar .

Dito ko nakilala si Alfred (hindi tunay na pangalan) Si Alfred ay kasama sa ating mga kababayang nabibilang sa third sex. Matanda siya ng limang taon sa akin. Mabait, makwento at kalog itong si Alfred. Sa mahigit na isang oras kong pakikipagkwentohan sa kanya kasama ang mga housemates sa bahay ni kuya, chos! nalaman kong siya ay breed winner ng kanyang pamilya. Nakakaantig ang kwento ng buhay ni Alfred at kung ikekwento ko pa sa inyo ay baka mapasulat pa kayo bigla sa Wish ko lang Or Dear Showtime Family kaya huwag na lang.

Sa maikling oras ng pakikipag kwentohan namin kay Alfred, nakagaanan na rin namin siya ng loob. Dahil na rin siguro sa kwento ng buhay niya at sa pagiging palabiro niya.

Bago matapos ang kwentohan namin may ibinulong sakin si Alfred.

"Punta ko sa kwarto niyo mamaya, wag kang mag lolock ng pinto"

Nawindang me sa sinabi niya. T'was like! WTF?!! Agad agad? sabi ko sa sarili ko.

"Hahaha! loko loko!

Ang sagot ko sa kanya para matapos na lang ang usapan at umalis na rin ako kasama ang mga housemates ni kuya. 

Kinagabihan:

Maaga akong humiga sa aking kama. Dahil wala pang libangan, nagkwentohan na lang kami ng aking mga kakwarto.  Wala pa kaming mga trabaho noon kaya umabot ang kwentohan namin ng ala una ng madaling araw hanggang sa napagkasunduan na rin naming matulog na.

Mga alas tres na po yun Kuya Tulfo, mahimbing ang aking tulog. Madilim ang buong kwarto at ang tanging maririnig mo lamang ay tunog ng aircon sa aming silid.

Nang walang ano ano'y naramdaman kong may nagtataas ng aking makapal na blanket.


TULOY KO BUKAS ANG KWENTO MANONOOD PA PALA KO NG LIFE STORY NI BOB MARLEY.


Sunday, May 13, 2012

A Mudrax Day Ispeysyal Part 2


Bukas na liham para sa aking Pangalawang Inay
Inspired by: Open Letter to Mom by Sir Jepoy at jepoytabachoy.blogspot.com

Dear Mama, 
Sa 24 taon kong nabubuhay sa mundong ibabaw, hindi pa yata kita nabibigyan ng sulat. Kahit na simpleng birthday card yata wala pa. Pero sa pagkakataong ito, kahit na hindi ko alam kung mababasa mo ito ay gagawan pa rin kita.

Dalawang taon na rin tayong di nagkikita at nagkakasama. Alam mo naman ang solo mong anak sipag sipagan kaya OFW muna ang peg ko. Huwag kang mag alala malapit na rin tayong magkasama ilang linggo na lang.  Alam ko namang miss na miss mo na ang iyong unico hijo at ganun din naman ako. Miss ko na ring gayahin kang magsalita kapag di mo suot ang pustiso mo.

Mama, salamat sa pag aalaga sakin hah? Salamat at itinuring mo akong tunay mong anak. Kahit matigas ang ulo ko di ka pa rin nagsasawang pagsabihan ako at paluin ng sanga ng bayabas nung batang musmos pa ko. Di ko makakalimutan ang mga alaga moments mo sakin. Tulad nalang kapag maliligo ako sa ulan at ilog di ba nilalagyan mo pa ng langis ng niyog ang likod ko para di malamigan? tsaka dapat 1 oras lang para di magkasakit. Natatandaan ko pa noon kapag may sakit naman ako, nag fefeeling albularya ka at pinapainom mo ako ng nilagang dahon ng oregano at kung ano anong dahon ang tinatapal mo sakin. Tsaka di ba po salitan kayo ni papa na magpaligo sakin nung 6 yrs old pa ko? At maghugas ng pwet ko tuwing pagtapos kong magpopo kasi nandidiri ako sa sarili kong shit? Natatandaan ko po lahat yun at ang marami pang ibang mga pag be-baby niyo sakin kahit nasa grade 4 na ko.

Happy Mother's Day sau Mama! Alagaan mo naman ang sarili mo. Di naman kaila sayong di ka na bata at wala na ang beauty queen mong ganda. Tigilan mo na ang paninigarilyo ng Lakampana at Champion please lang. Ipaubaya mo na sa akin ang pagyoyosi, Ok?

Pasensiya ka na at di ko pa mabigay ang apong gusto mo. Alam mo naman taliwas yun sa gusto ni Mommy. Tsaka hindi ko pa talaga kaya magka anak. Di pa pwede isingit sa budget. Sige kayo rin, mababawasan ang remittance ko inyo buwan buwan pag nagkataon. Gusto mo ba yun? hehe. Huwag kang mag alala at aabutan mo pa ang magiging apo mo basta alagaan mo lang ang sarili mo at ipagpatuloy mo lang ang kembot exercise mo tuwing umaga.

Gaya ng sabi ko kay Mommy, mahal na mahal din kita. Alam niyong isa kayo sa mga dahilan ni papa kaya nag flysung ako dito sa Middle East para kahit papano makatulong sa inyo.

Masaya ako at ikaw ang naging pangalawang nanay ko. Kahit di tayo mayaman at wala tayong lupain tulad ng kapitbahay nating ni Donya Linda, masaya pa rin ako at sayo ako napunta. I lab you Ma!

Mahal na mahal kita Mah, kahit hindi ko ito sinsabi ng madalas.

See you soon. Muah! Muah! Tsup! Tsup!

Ang iyong Unico Hijo,
          Richie

 Si Mommy at ang Maalagaing si Mama

A Mudrax Day Ispeysyal Part 1


Bukas na liham para sa aking Unang Inay
Inspired by: Open Letter to Mom by Sir Jepoy at jepoytabachoy.blogspot.com

Dear Mommy,
Pagkatapos ng mahabang panahon, nakapagsulat ulit ako sayo. Kung dati ay sumusulat ako sayo para ibili mo ako ng cartridge ng gameboy, ngayon gusto ko naman sumulat sayo para magpasalamat at sabihin ang  mga nararamdaman ko.

Salamat sa pagpupursige mo sa akin mula pa nung cute na bata pa ako. Salamat sa pagpapa aral at patuloy na pagtulong sa akin kahit na may trabaho na ako. Yung mga luho ko pinagbibigyan mo parin. Ganun talaga mas malaki ang kita mo sakin eh. Kahit na lagi mong sinasabi na pagod na pagod ka na at gusto mo na rin magpahinga sa pagtatrabaho, hindi ka pa rin tumitigil. Salamat.

Kahit na 24 anyos na ako at siguro mga 3 times palang tayong nagkasama sa buong buhay ko, (joke) gusto kong malaman mo na mahal na mahal pa rin kita. Wala man tayong maraming memories na magkasama, alam kong miss mo na rin ako, don't worry ganun din ako sayo.

Naintindihan ko rin naman kung bakit mo ko nagawang iwan kila Mama at Papa. Alam kong nagawa mo iyon kasi kailangan at hindi dahil gusto mo. Naiintindihan ko po yun Mommy don't worry. Tsaka baka kung di niyo ginawa yun, di ko lang alam kung saan tayo pupulutin ngayon. Baka maaga kong naibenta ang payatot kong katawan pati na rin ang aking kidney. 

Alam ko di ako naging masyadong mabuting anak nung bata bata pa ko at di ako lumaki ng ayon sa gusto mo. Pasensiya na po at wala na akong magagawa tungkol dun, alam ko naman sa sarili ko na hindi ako matalino madiskarte lang. Di tulad ng mga payboret mong mga pamangkin na nung nagsabog ata ng katalinuhan balde ang dala nila at ako baso lang . Pero ito lang masasabi ko: Sa oras na talikuran ka ng lahat ako at si utol ang tatayo at sasandalan mo tapos sisigaw tayong tatlo ng "PAK U OL!!"

Huwag ka rin mag alala mommy at di pa kami mag-aasawa ni Pat. Alam ko namang feeling mo eh 12 pa lang ako. Di pa ako mag aasawa hanggat wala pa kong sariling bahay at stable na buhay kahit na kating kati na akong maglakad sa dambana. :)

Ngayong maders day, as usual wala akong regalo sayo. Apo gusto mo? Pero kahit na wala akong gift, simpleng "Happy Mother's Day Mommy! I love you and Thank you" ay alam kong masaya ka na. Wag ka ng demanding sa gift sanay ka naman walang natatanggap samin ni pango. hehe.

At tungkol naman sa paghahanap mo ng bagong bowa o asawa, ayos lang naman sakin yun. Basta alam kong aalagaan ka niya, mamahalin at di iiwan hindi katulad ng asshole kong tatay. Kung sino mang demonyo yun. hehe.

Hanggang dito na lang ang liham kong toh. Salamat ulit sa lahat. Salamat at ikaw ang naging nanay ko. Salamat at di mo ko pinabayaan. Salamat din sa walang sawang pagmamahal samin ni pango. Your the best mudrax in the world. Happy Mother's Day ulit! I Laaaahhbb You!!

PS:
Wag mo na sanang sabihin sa mga katrabaho mo na magkamukha tayo at iwasan mo na sana ang pagiging matampuhing frog. Napaghahalatang nag mi-menopause ka na. haha!

Ang iyong Panganay,
     Richie

Ran (Dog), Maiko (Haponesang Kapatid) at Ang Matampuhing Nanay

Thursday, May 10, 2012

Mga Bagay na Gusto kong Sabihin sa Aking Peysbuk Friends

Google

"Tang ina pati ba naman yan"
Ang madalas kong masabi sa sarili ko kapag nag pepeybuks at nakakakita ng kung anong status, video o picture sa feeds ng peysbuk ko. Dahil wala akong balls para sabihin ng harapan o magcomment sa mga post na ito, dito ko na lang sasabihin.

1. Unang-una hindi na ako naglalaro ng games sa peysbuks kaya tigil tigilan niyo na ang pagbibigay sakin ng request ng mga games! tengenengyen!

2. Oo na ikaw na cool, ikaw na ang Rakista pero pwede ba bawasan mo ang pagpopost ng mga video ng idol mong mga rockbands? Ok sana eh kaso kung konti lang pero punyeta every minute 1 video?! Unli lang?

3. Kung may problema ka wag ka sa peysbuk umiyak. Di malulutas yan kahit na ilang milyong beses mo pang post yan sa status mo. Tapos pag tatanungin ka ang isasagot mo "basta kaya ko toh" Attention seeker ka?

4. Huwag mong ilalagay sa status mong magpapakamatay ka o gusto mo ng mamatay kung wala ka naman bayag para gawin yun. Ista-status ka ng ganyan tapos mamayang konti nakikita na naman kitang pakalat kalat sa peysbuk feeds ko.

5. Pwede bang wag niyo akong ipm para lang ipa like ang picture, status o jejemon page na gingawa niyo? Ila-like ko yan kapag gusto kong ilike. Hard to get talaga ko sa paglilike pilitin niyo muna ko.

6. Maari bang wag ka post ng post ng mga resto at picture ng pagkain? Pano kung diet ang iba mong friends edi para mo silang tinu torture. At sa kalagayan ko naman, ilang linggo na ring pa ulit ulit na putahe ang aking kinakain at ang mga picture ng masasarap na kainan at pagkain at nagpapa hirap sa pang araw araw kong pamumuhay.

7. Ikaw na mayaman, ikaw na ang may magandang trabaho at buhay. Pero bawasan mo naman ang pagkuha ng picture ng mga bagay na nabili mo tulad ng bagong cellphone, relo, ipad, bahay at kung ano ano pang kimberly. Taragis! Naiinggit ako!

8. Mga Kuya, mga Ate please lang mag tagalog na lang kayo pag nagpopost kayo ng mga status niyo kung alam niyo naman sa sarili niyo na di kayo magaling mag ingles tulad ko. Di yung ganito pag nababasa ko nanlalambot ang katawang lupa ko! 

kill me now!!
 9. Mag log out ka muna bago ka manood ng porn sa Metacafe o Dailymotion at wag mong gagamitin ang facebook platform nila. Napupublish kasi sa feeds ko na man to man ang porn na hilig mo. Men na Men pa naman ang peg mo kapag nag uusap tayo. 

10. At bilang panghuli, sa mga ibang lahing nag aadd sakin, di po ako beki mga koya. Lalaki po ako. Lalaki! Kaloka. Reslengin ko kayo eh!


Monday, May 7, 2012

I lab/h8 my Sabado

Kahit na puyat dahil nakipag inuman nung hwebes ng gabi, nagawa ko pa rin magpuyat ulit at natulog ng 5:00 ng umaga kaka nood ng porn. Joke!! Nagising ako bandang 11:35 ng tanghali. Nag branch, jumibs, naligo at nagbihis. Shorts, Tshirt at nag Shoes syempre nag brip din ako. Majinit kasi kwarentay singko ang jinit kaya dapat komptabol ang suot ko para di masyadong pagpawisan ang kili kili ko.

May lakad kasi ako. Luluwas ang probinsyano at pupunta ng lungsod. Makikipagkita ako sa babaing pamangkin ng gelpren ko. Kukunin ko yung mga padala niya dadalhin ko pauwi ng Pinas. Sasamahan niya rin akong bumili ng make-up at bag para sa gelpren ko. Kailangan ko ng kasama baka mapagkamalan na naman akong beki ipahuli pa ako sa mga CID. Tsaka anong malay ko sa mga make-up and bag eclavo na yan! my gas!

So ayun nga, sumakay ako ng bus. Maluwag naman at dahil isang oras din ang byahe, nakuha ko pa picturan ang sarili ko at nag emo to death habang binabagtas ang kahabaan ng byahe at nakatingin sa malawak na disyerto.
oh my noes!!
After 48 years, nakarating din sa bus station at sumakay ulit ng isa pang bus para makarating sa mall na pagkikitaan namin ng pamangking ng gelpren ko. At after 35 years, nasa mall na ako.

Pagbaba sindi muna ko ng yosi. Di ko inalis shades ko para di halata pag nakatitig ako sa mga mogogondang babae. Yung totoo? Gawain din yan ng ibang kalalakihan!

Pag ubos ng yosi pasok na ko sa loob ng mall. Tinawagan ang pamangkin ni gelpren at inalam kung san ko siya makikita. Sa looob din kasi siya ng mall nag tatrabaho at naka duty siya nung araw na yun.

Habang naglalakad at hinahanap ang lugar kung nasan siya, may naramdaman akong kakaiba. Punyeta yung paa ko parang may humihiwa sa bandang sakong! At ang humihiwa ay sapatos ko! Alam ko na agad mangyayari. Magkakasugat ako nito sa paa at buong hapon ko itong iindahin.

Di nagkamali ang Madam Auring power ko. Habang papunta ko sa pamangkin ng gelpren ko, nararamdaman ko na na may sugat na nga ang kanang sakong ng paa ko. Pero keri lang! sabi ko sa sarili ko.

At nagkita na nga kami ni pamangkin. Nagkwentohan at konting bolahan. Tapos nagpaalam muna ko sa kanya sabi ko mag iiikot ikot muna ko sa mall kasi mamayang 5 pa ng hapon ang break nya eh 3:30 palang naman nun.

Pero ang di niya alam bibili ako ng medyas dahil di ko na kaya ang sakit sa paa ko. Bumaba ako at pumunta sa Supermarket at naghanap ng medyas. Sa kasamaang palad walang low cut na medyas (low cut talaga?) puro mahahaba pero kinuha ko na rin itututpi ko na lang. No choice ayoko na maglakad pa at maghanap.

Pagkabayad, takbo ko agad sa Comport Rum at nag medyas. Masakit pa rin pag naglalakad pero ok na rin. Binalikan ko si pamangkin mag papa payb na rin kasi nun.

Habang naglalakad kami, masakit pa rin talaga walang pagbabago. Manipis lang din kasi ang medyas na iyon. Pero kinaya naman ng powers ko at nabili rin namin ang mga pasalubong para kay gelpren. Kinuha ko na rin ang padala niya at nagpa alam na kami sa isa't isa.

Lipad ako agad sa bus stop dahil di ko na talaga kaya maglakad at medyo mabigat din ang dala ko kaya gusto ko na rin umuwi.

Pagbaba sa bus station, dalawang bagay ang gusto kong gawin bumili ng tsinelas at kumain dahil nagugutom na ako. May nakita akong sports churva na store at dun ako naghanap ng tsinelas. Buti na lang nakakita agad ako. Walang kemi-kemi sinuot ko agad ang yellow na tsinelas, nilagay sa paper bag ang letseng sapatos at medyas saka nagbayad!

Ayun natapos din ang paghihirap ko. Sobrang saya ko ng mga oras na yun. Parang yung feeling na taeng tae ka na, halos bumulwak na sa wetpaks mo ung ebak, at pag upo mo palang sa inidoro, nagtutulakan pa ang mga shits kung sino ang mauunang lumabas? ganun.

Pagtapos ng momnet na yun lipad ulit ako sa isang Pinoy Restaurant. Nilantakan ang Bicol Express at dalawang order ng kanin. Tapos naghanap ng perfume store at bumili ng pabango para parin sa aking gelpren saka umuwi pabalik sa probinsya ng Qatar.

TAPOS!!
Ang mga nabili para sa jowa
Ang nabili dahil sa paltos na paa
At ang paltos na kanang paa
ang aking foor pit T_T

Saturday, May 5, 2012

Walang Basagan ng Trip

Kanina habang naglalaba ako, kung ano -  ano na namang pumasok sa isip ko. Yun bang tamang muni - muni ka habang panay ang kusot mo ng mga maruruming damit? Isa sa mga pinagtuunan ng aking gunita (waw may ganun?) ay ang mga kakatwang bagay na una kong nakita sa dalawang taong pag tatrabaho sa bansa ng Arabyano. Kakatwa para sa akin kasi di naman normal sa Pilipinas ang mga ito tska yung iba pers taym kong makita. Boy First Time lang?

Di na ako magpapa ligoy - ligoy pa ito na:

Mga tunay na lalaking nag beso -beso pag nagkikita
Nawindang ako nung una kong nakita itong mga arabo nag chi-cheek to cheek pag nagbabatian. Una shake hands muna tapos sunod beso beso na. Mga lalaki lang gumagawa nito at mga babae simpleng kamustahan lang pero ang mga lolo niyo talagang skin to skin, kaskasan kung kaskasan ng balbas. Ito may nahagip ang camera ko minsan.
Mga lalaking nag HHWW
Hindi naman mga Arabyano ang gumagawa nito kundi mga dayuhan din dito sa Qatar. Ayoko magbanggit ng lahi baka sabihn niyo racist ako. Hindi naman sila beki pero HHWW talaga sila. Minsan sinubukan namin ng isa kong kaibigan yung ganito at di nagtagal nandiri kami sa mga sarili namin,napa putangina tuloy kaming dalawa. Well, tradition is tradition. Walang basagan ng trip. Nakakita ako ng piktyur sa flickr.
Mga naka paldang men
Hindi naman bago sa paningin ko ito kasi nakakita na rin ako sa tv ng mga pinoy na naka suot ng sarong at yung ibang mga rock bands ay may mga ganito ring eksena. Pero sinama ko na rin. Bakit? Kasi gusto ko blog ko naman to. Ay oo nga pala tuwing summer marami rin naka palda sa Pilipinas yung mga totoy na bagong binyag. Imahe galing kay Google.
Iabot mo sa kanan
Nakaugalian na siguro ng mga Arabo ang pag abot ng at pagtanggap ng mga grasya galing kay God sa kanilang kanang kamay. Para sa kanila tanda daw ng respeto kung iaabot mo sa kanila ang food o drinks using your right hand. Siyempre tatanggapin din nila ito sa right hand nila tanda rin ng respeto nila sa nag abot. Gets niyo pa ba? Ang gulo puro abot at tanggap. Bukod sa respect factor, marumi daw kasi ang left hand. Napa isip tuloy ako, tama nga naman kasi right hand ang pinanghuhugas ko ng wetpakels ko pagtapos kong jumerbaks. Maliban na lang kung kaliwete ka.

Tama na muna ang apat sa ngayon, Sa susunod na lang ang iba baka kasi tamarin na kayo magbasa kung may nagbabasa man. Adios! 


Pauna:
Hindi ko po pinagtatawanan o gingawang katatawanan ang mga tradisyon sa entry na ito. Ito po ay mga bago lang sa paningin ko kaya pi-nost ko para lang ma ishare. Kung may nainis, ipagpatawad niyo ang aking kapangahasan.

Tuesday, May 1, 2012

Ang Porenjer kong Kaibigan

Magdadalawang taon na akong nagtratrabaho dito sa Middle East. Sa dalawang taon na ito, ang dami ko ng nakilalang iba't - ibang taong galing sa iba't - ibang panig ng planeta natin. At sa dami nila, madalas kilala ko na lang sila sa mukha dahil ang hirap bigkasin ng mga pangalan nila. Gustuhin ko man silang kilalaning mabuti at kabisaduhin ang kanilang mga pangalan, ay hindi kami masyadong magkaintindihan. Kung Carabao kasi ang ingles ko Hippopotamus naman sa kanila at madalas hindi ko rin matagalan ang amoy nila. No opeyns mga sadik.

Pero hindi naman tungkol sa amoy at ingles nila ang entry na ito. Ito ay tungkol sa aking naging kaibigan. Ladies and Gentlemens ipinakilala ko sa inyo si Mr. Laksmi Prakash.
Name: Laksmi Prakash Basnet
Nickname: Call me Prakash. Laksmi is not good name
Hometown: Ilam, Nepal
Age: 19
Status: Single *sad face*
Occupation: Office Cleaner
Religion: Hindu
Crush: I want Joyce. (Joyce - Pinay Receptionist)
Favorite Food: Chicken Biryani with Curry and Dahl on the side.
Favorite Song: Hindi Songs
Sports: Football. I am a Striker my friend. Three games three goals because I am a good
             player. Malum?
Motto: What Motto? *confused*

Hindi ko alam kung pano nakalusot sa embassy ng Qatar ito dahil 18 palang siya ng umalis ng Nepal. Ito ang pangalawang sabak niya sa pag aabroad dahil sa edad na 17 nagtrabaho na daw siya sa Malaysia sa loob ng walong buwan. Kaya kung ako eh OFW siya naman ay ONW - Overseas Nepali Worker.

Nakakasama ko si Prakash limang beses sa isang linggo at kung minamalas nakikita ko rin siya pakalat kalat sa ilang mga pamilihan dito sa lokasyon namin. Window Shopping din ang peg ng loko. Kahit na minsan nangangamoy zombie siya, sa tagal na rin namin magkasama, magkasing amoy na rin kami este nasanay na rin ako sa aura niya. Nakakatuwa rin naman kasi siya bukod sa masipag at nauutusan mo talaga, makulit din siya. Kaya lagi kaming nag aasaran at nagkukulitan. Isa lang utos ko na di nya magawa gawa ang "Go to the rooftop and jump!!" Minsan naglalaro rin kami ng boxing, karate tsaka sampalan kapag walang gingawa o kahit may gingawa basta trip lang namin saktan ang isa't - isa, sweet di ba? Kahit madalas siya palagi ang nasasaktan, hindi naman siya napipikon.

Makulay din ang buhay ni Prakash. Pinili niya mag ONW dala rin sa hirap ng buhay sa bansa nila. Nangingisda sa ilog at nagtatanim ng gulay sa Nepal ang ginagawa ko. Kaya nga nag abroad na lang ako ang sabi nya. Oo literal nag tagalog siya! joke. Dalawa daw kasi ang asawa ng tatay niya na legal naman sa bansa at relihiyon nila ang kwento niya sa akin. Dahil nga dalawa ang pamilya ng erpat niya, napapabayan daw ang nanay at ang mga kapatid niya. Kaya para makatulong, nag alsa balutan siya papunta sa dito sa Qatar. At dahil din diyan, galit galitan siya sa tatay niya.
Nakita ko na rin mag emo si Prakash. Isang araw kasi wala siya sa mood. Tinanong ko naman kung bakit. Una ayaw niya sabihin at umiiwas siya sa tanong ko pero dahil sa pangungulit ko, umamin din siya. Magpapasakal na daw kasi ang gelpren niya na naiwan sa Nepal. Ipinagkasundo daw kasi ung babae ng mga magulang niya sa ibang lalaki. Fixed Marriage kung tawagin na isang tanggap na tradisyon din sa bansa nila. Kaya iyon hindi ko makausap ng matino ang loko nung araw na iyon. Pero ngayon ok na siya sabi nga niya sakin "I'm handsome my friend, kaliwali that lady! no problem!"  oh di ba ang taray? Talk about confidence!

Kaya ngayong, malapit na akong umuwi sa Pilipinas, ang sabi niya sa akin "Dajo, (Dajo ibig sabihin Brother. Langya, dito ko pa pala makikita ang nawawala kong kapatid) when you go in Pilipin i will buy you Perfume!" nakanang, nababantutan ata siya sa akin at ibibili daw niya ako ng pabango!